Sapat na ba ang maniwala sa Diyos upang maligtas?

“Kapatid, maniwala ka lang sa Diyos at ikaw ay maliligtas na!” Marahil narinig mo na ang turong ito na karaniwang sinasambit ng mga mangangaral, pastor, at kahit ng kanilang mga miyembro sa simbahan.

Ngunit, paano kung sasabihin ko sa’yo na ang turong “Faith alone” o yung turong maniwala ka lang sa Diyos ay sapat na para ikaw ay maligtas, ay isang malaking panlilinlang na bumalot sa mundo ng Kristiyanismo?

Oo, kaibigan, kung sa tingin mo ay maliligtas ka ng iyong pananampalataya lamang, dapat mong panuorin itong aming presentasyon. Ngayong araw, samahan nyo po kaming tuklasin ang nakakagulat na katotohanan tungkol sa turong “faith alone.”

Ano ang pananampalataya?

Faith o pananampalataya ay isang napakahalagang konsepto na makikita natin sa Bibliya. Sa sobrang halaga nito, marami tuloy ang nag-iisip na sapat na ang faith upang tayo ay maligtas.

Hindi natin maikakaila na tunay ngang napaka-importante ng pananampalataya sa buhay nating mga tagasunod ng Diyos. Ngunit dapat nating maintindihan na hindi sapat ang pananampalataya lamang.

Una sa lahat, kailangan nating sagutin ang tanong na, “What is faith?” Ano nga ba ang pananampalataya?

Hayaan natin ang Bibliya ang siyang sumagot sa ating tanong. Basahin natin ang Hebrews 11:1:

Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.

Ayun sa Bible verse na to, ang pananampalataya ay ang katiyakan at ebidensya ng mga bagay na di pa natin nakikita. 

Dagdag pa ng Hebrews 11:6:

Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.

Kung wala tayong pananampalataya, hindi malulugod ang Diyos sa atin.

Makikita natin na napakahalaga ng pananampalataya sa ating spiritwal na buhay. Ngunit, dapat hindi tayo dyan titigil. Kailangang itong samahan ng good works o yung tinatawag nating mga gawa.

Samakatuwid, ang pananampalataya ay ang simula lang ng mas malalim na proseso ng ating pagbabago. Hindi sapat ang maniniwala ka lang sa Maykapal.

Totoo ba ang Faith Alone?

Ngunit, totoo ba ang turong ito? Marahil may magsasabing heto ay gawa gawa lang namin. Marami ang magsasabi, hindi ba ang Ephesians 2:8-9 ay nagpapatunay na ang turong “faith alone” ay suportado ng Bibliya?

Ating susihin ng mabuti ang mga bersikulong ito. Basahin natin:

Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili; 9 hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya’t walang maipagmamalaki ang sinuman.

Oh, diba? Hindi ba malinaw na sapat na ang pananampalataya upang tayo’y maligtas? Ang problema sa karamihan ay huminto sila sa verse 9. Hindi nila natanto na ito ay may karugtong pa. Dapat patuloy nating basahin ang verse 10:

Kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa [saan?] mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin.

Ang bersikulo 10 ay ang nagkukumpleto sa buong proseso ng ating kaligtasan. Pansinin ang tatlong puntong itinuro ni Apostol Pablo mula sa Ephesians 2:8-10:

Una, tayo ay naligtas dahil sa grasya ni Yahweh sa pamamagitan ng ating pananampalataya.

Pangalawa, tayo ay maliligtas hindi dahil sa sarili nating mga gawa, sa halip, ang kaligtasan ay kaloob ni Yahweh.

Pangatlo, at marahil ang pinakanakakalimutang aral, ay tayo ay ginawa para sa mabuting gawa.

Si Abraham, ang ama ng mananampalataya

Upang mas lubos nating maintindihan ang kahalagahan ng mabuting gawa sa ating pananampalataya, ating isama sa ating usapan ang buhay ni Abraham. Si Abraham ay tinaguriang “Father of the Faithful” o ang ama ng mga nananampalataya.

Maalala natin kung paano inutusan ni Yahweh si Abraham na ialay ang kanyang nag-iisang anak na si Isaac. Sandali nating isipin ito: kung ikaw ang nasa kalagayan ni Abraham, ano ang iyong maiisip? Ano ang iyong mararamdaman? Paano ka tutugon sa utos ng Diyos na iyong papatayin at isasakripisyo ang nag-iisa mong anak?

Walang duda na si Abraham ay may malaking pananampalataya sa Panginoon. Naniniwala sya sa kagitingan at kadakilaan ni Yahweh. Ngunit, dun lang ba nagtatapos ang lahat? Sa puntong ito, si Abraham ay maaring magsabing, “Oh, Panginoon, ako ay naniniwala sa’yo. Susundin ko man ang iyong utos o hindi, walang magbabago sa aking pananampalataya. Hindi na kailangang isakripisyo ko pa si Isaac.

Ngunit, hindi ito ang naging tugon ni Abraham. Mababasa natin sa Genesis 22:3:

Kinabukasan, maagang bumangon si Abraham at nagsibak ng kahoy na gagamiting panggatong sa handog na susunugin. Inihanda niya ang asno, at umalis kasama si Isaac at ang dalawang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya.

Isa ito sa nakakamanghang halimbawa ng tunay, buhay, at malakas na pananampalataya. Hindi huminto sa paniniwala si Abraham. Kundi, sinamahan nya ito ng walang pag-aatubiling pagsunod sa Panginoon!

Ang paniniwala ng mga demonyo

Ito ang isa sa mga dapat nating isipin, kaibigan: kung tunay ngang ang maniwala sa Diyos ay sapat na upang tayo ay maligtas, ibig sabihin nito ay maliligtas din ang mga demonyo at mga kampon ni satanas!

Mababasa natin sa James 2:19:

Naniniwala ka na may iisang Dios? Mabuti iyan! Pero kahit ang masasamang espiritu man ay naniniwala rin, at nanginginig pa nga sa takot (Ang Salita ng Diyos).

Kaibigan, ang mga demonyo ay naniniwala din na may Diyos at hindi lamang sila naniniwala kundi sila ay nanginginig pa sa takot!

Alam nyo kung ano ang pinagka-iba ng tunay na nagsasamba sa Diyos at mga demonyo? Ang tunay na anak ng Diyos ay naniniwala sa kanya at sumusunod sa mga utos nya. Sa kabilang banda, ang mga demonyo ay naniniwala sa Diyos ngunit hindi sila sumusunod sa kanya kahit milyon milyong taon pa ang lumipas!

Kung ganun, hindi sapat ang naniniwala ka lang kasi kung hanggang doon lang ang iyong pananampalataya, eh katulad mo lang ang mga demonyo!

Hindi ako ang may sabi nyan, kundi ang Bibliya.

Basahin natin ang James 2:14-16:

14 Mga kapatid, ano bang mapapala ng isang tao kung sabihin niyang mayroon siyang pananampalataya, pero wala naman siyang mabuting gawa? Maliligtas ba siya ng ganyang pananampalataya? 15 Halimbawa, walang maisuot at walang makain ang isang kapatid, 16 at sasabihan mo, “Pagpalain ka ng Dios at hindi ka sana ginawin at magutom,” pero hindi mo naman siya binigyan ng kailangan niya, may nagawa ba itong mabuti? (ASND)

Sa madaling salita, ang pananampalataya na walang mabuting gawa ay walang silbi. Heto ang naging pahayag sa James 2:17. Mababasa natin:

Ganito rin naman ang pananampalataya; kung hindi ito kinakikitaan ng mabuting gawa, wala itong kabuluhan. (ASND)

Kailangan ang mabubuting gawa

Sana sa puntong ito, mas naiintindihan na natin ang totoong turo ng bibliya. Tunay na hindi tayo maliligtas ng ating sariling mabubuting gawa ngunit kailangan natin ang mabubuting gawa upang mapatunayan na tunay ang ating pananampalataya.

Sa Titus 3:14 ay mababasa natin:

At turuan mo ang ating mga kapatid na maging masigasig sa paggawa ng mabuti, para makatulong sila sa mga nangangailangan. Sa ganitong paraan, magiging kapaki-pakinabang ang kanilang buhay.

Pinapatunayan nitong bersikulong ito na kailangan ang paggawa ng mabuti. Kahit si Yahshua o mas kilalang Hesukristo ay nagsabing dapat tayo ay mamunga ng mabubuting gawa. Mababasa natin sa John 15:8:

Napaparangalan ang aking Ama kung namumunga kayo nang sagana, at sa ganitong paraan ay naipapakita ninyo na mga tagasunod ko kayo.

Ano ang mga halimbawa ng mabubuting gawa? I Timothy 5:10 ay nagsabi:

Kilala sa paggawa ng mabuti gaya ng maayos na pagpapalaki ng mga anak, bukas ang tahanan sa mga nakikituloy, naglilingkod sa mga pinabanal ng Dios, tumutulong sa mga nangangailangan, at inilalaan ang sarili sa mabubuting gawa.

Ang pananampalataya ay pwede nating ihalintulad sa ugat ng puno. Ang pananampalataya ang syang nagbibigay sa atin ng nutrients upang tayo ay mamunga at ang bungang ito ay ang ating mga mabubuting mga gawa.

Ang buhay na pananampalataya

Bilang huling mensahe sa presentasyong ito, samahan nyo akong basahin ang James 2:20-26:

20 Ikaw na walang pang-unawa, gusto mo bang patunayan ko na walang kabuluhan ang pananampalataya kung walang mabuting gawa? 21 Hindi baʼt itinuring na matuwid ng Dios ang ninuno nating si Abraham dahil sa mabuti niyang gawa nang ihandog niya sa altar ang anak niyang si Isaac? 22 Makikita mo na ang pananampalataya niyaʼy may kasamang mabuting gawa. Naipakita na tunay[a] ang pananampalataya niya sa pamamagitan ng mabuting gawa. 23 Natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya si Abraham sa Dios, at dahil dito, itinuring siyang matuwid. Tinawag pa nga siyang kaibigan ng Dios.”[b] 24 Dito nʼyo makikita na itinuturing na matuwid ng Dios ang tao dahil sa mabuti nitong gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang.

25 Ganoon din si Rahab, ang babaeng bayaran. Itinuring siyang matuwid dahil itinago niya ang mga espiya ng mga Israelita at itinuro ang ibang daan para makatakas sila.

26 Kung paanong patay ang katawang walang espiritu, patay din ang pananampalataya kung walang mabuting gawa.

Malinaw pa sa sikat ng araw: hindi sapat ang maniwala sa Diyos. Kailangan natin itong samahan ng gawa. Makikita natin ang turong “Faith alone” ay hindi naaayun sa Bibliya. Sa halip, ang paniniwala sa Diyos ay simula lamang ng buong proceso ng ating pagbabago.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.