Ano ang Tunay na Kagandahan Ayon sa Bibliya?

Kaibigan, ano nga ba ang tunay na kagandahan? Ito ba ay masusukat sa kinis ng iyong balat, sa tangos ng iyong ilong, sa kagandahan ng iyong mga ngipin, sa kapal ng iyong buhok o sa hubog ng iyong katawan?

Sa panahon natin ngayon na kung saan sinasamba ang mga magagandang artista, nagpaparamihan ng likes sa social media, at bida ang selfies, hinde maikakaila na ang tao ay sadyang nahuhumaling sa kung ano ang maganda sa paningin.

Ngunit, sa kabila ng lahat ng ito, dapat nating isipin kung ano talaga ang importante sa mata ng Diyos at hinde sa mata ng tao.

Si Yahshua or Hesus ay nagsabi sa Luke 16:15:

Kaya’t sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagpapanggap na matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.”

Kung ganun, may mga bagay kung saan ang inaaakala nating kaakit-akit ay kasuklam-suklam pala sa paningin ng Diyos.

Kaya, isang napaka-importanteng bagay para sa atin na malaman kung ano ba talaga ang tunay na kagandahan ayun sa Banal na Aklat, ang Bibliya.

Kaibigan, ngayong araw, gusto kong ibahagi sa iyo ang limang katotohanan mula sa Bibliya na magpapatunay sa atin kung ano ang totoong kagandahan.

Unang punto: Lahat tayo ay nilalang ng Diyos na may kahalagahan at kagandahan.

Siguro nga’y naisip mo na hinde ka maganda. Naisip mo na wala ka namang maipagmamalaki sa iba. Pero, hinde ibig sabihin nun ay wala kang halaga bilang isang tao.

Heto ang dapat mong malaman. Ikaw ay nilalang ng Diyos. Ang katotohanang ito ay sapat na upang sabihin na ikaw ay maganda. Tandaan mo na lahat ng nilalang ng Diyos ay may kanya kanyang likas na kagandahan.

Psalm 139:14 ay nagsabi:

Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan, ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay; sa  loob ng aking puso, lahat ito’y nakikintal.

Makikita natin na lahat ng ginawa ng Diyos ay kahanga-hanga at kabilang ka na dun! Oo, isa ka sa mga kahanga hangang nilalang ng Diyos.

Pangalawang punto: Nasa puso makikita ang tunay na kagandahan

Maaring narinig mo na ito dati pa. Katunayan, lahat siguro ng tao ay alam ito. Kaso, ang problema ay hinde naman lahat ay naniniwala sa kasabihang ito.

Marahil, nasabi mo na sa sarili mo na, “Kung sana mas matangkad lang ako, mas matipuno ang aking katawan, mas maganda ang pustura ko, mas makinis ang balat ko, mas matangos ang ilong ko, Mas masaya siguro ako ngayon. Marami siguro akong kaibigan.”

Pero, hinde ito ang mahalaga para sa ating Panginoon. Mababasa natin sa I Samuel 16:7:

Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan sapagkat hindi siya ang pinili ko. Si Yahweh’y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh.”

Totoo, sino nga ba ang sa atin ang hinde naghangad na maging mas gwapo or maganda, diba? Lahat naman siguro tayo. Ang panglabas na anyo ay sadyang kahanga hanga, pero para sa ating Panginoon, yan ba talaga ang nakakapagpahanga sa kanya?

Kakabasa lang natin ang kasagutan. Hinde. Hinde sya tumitingin sa panglabas na anyo. Tinitingnan nya kung ano ang nasa puso natin. Ang tunay na nagpapaganda sa isang tao para sa Diyos ay ang pagkakaroon ng mabuti, mapagmahal, mabati, at matuwid na puso.

Pangatlong punto: Ang kagandahan ay mapanlinlang

Basahin natin ang Proverbs 31:30:

Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan.

Ayun sa Bibliya, ang kagandahan ay mapanlinlang. Ilang tao na ba ang nalinlang at naakit ng isang magandang babae or gwapong lalaki? Ilan ba sa kanila ang nabigo at nasaktan dahil kalaunan, nalaman nila na masama pala ang ugali ng kanilang napiling kabiyak.

Maganda nga sila sa labas ngunit nabubulok naman sila sa loob. Nakakatakot magising sa katotohanang ito. 

Dagdag pa ng Bibliya, ang kagandahan ay hinde pangmatagalan. Kukupas din yan. Ang dati na magandang balat ay kukulobot din. Ang dating mayabong na buhok ay ninipis at malalagas din. Ang dating perpektong set ng ngipin ay matatanggal din at magiging buwal.

Kaya, huwag kang magpapalinlang sa iyong nakikita. Tumingin ka sa puso ng isang tao at doon makikita mo ang tunay na kagandahan.

Pang-apat na punto: Mas bigyan mo ng halaga ang iyong pagkatao

Marami sa atin ang gumugogol ng malaking oras sa pagpapaganda at pagehersisyo. Ngunit, ilang oras ang ginugugol natin sa pagbabasa ng bibliya at pagdarasal?

Mababasa natin sa I Timothy 4:8:

Sa pagsasanay ng katawan ay mayroon ding pakinabang, ngunit ang maka-Diyos na pamumuhay ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito’y may pangako hindi lamang para sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating.

Ayun sa nabasa natin, ang pagsasanay ng katawan o pagpapalago ng ating katawan ay mayroon pakinabang. Hinde sinasabi dito na inde ito mahalaga. Sa halip, sinasabi ni Apostol Pablo na okay ang pag-aalaga sa ating katawan ngunit sa parehong pagkakataon, sinabi nya na mas maigi ang mamuhay na may takot sa Diyos. 

Bakit nasabi ni Pablo yun? Dahil ang maka-Diyos na pamumuhay ay mapapakinabangan mo hinde lamang sa buhay na ito kundi sa buhay na darating.

Kung ganun, gawin nating prayoridad ang pagkakaroon ng buhay na nakakalugod sa Panginoon higit pa sa pagkakaroon ng magandang lupang katawan.

Panglimang punto: Pagyamanin ninyo ang kagandahang nasa puso

Para sa ating Panginoon, hinde mahalaga kung ano ang itsura mo. Ang mahalaga ay ang laman ng ating puso.

Sa I Peter 3-4:

Ang inyong ganda ay huwag maging panlabas lamang tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa paningin ng Diyos.

Siguro sinasabi mong makaluma naman yan. Hinde na uso yan. Pero, kaibigan, ang Bibliya ay sinulat para hinde lamang sa mga sinaunang tao. Ito ay sinulat din para sa atin upang maging gabay sa ating pamumuhay.

Ang mga prinsipyo, kasali na dito ang prinsipyo ng tunay na kagandahan, ay naangkop sa lahat ng tao, anuman ang kanyang kultura, katayuan sa buhay o kung anong bansa sya nabibilang.

Samakatuwid, huwag nyo masyadong pagtuonan ng pansin ang magagarang damit, mamahaling alahas, o pagmamake-up ng sobra sobra. Pagtuonan nyo ng pansin ang tamang pag-uugali.

Bago ako magtapos, nais kong ibahagi sa inyo ang isang kwento tungkol sa dalawang babae. Ang pangalan ng una ay si Vashti at ang pangalawa naman ay si Esther. Ang kwento nila ay mababasa natin sa Book of Esther na ngayon ay nakasulat sa Bibliya.

Si Vashti at Esther ay parehong magandang babae. Pareho silang kaaya-ayang tingnan. Lahat ng tao ay nahuhumaling sa kanila. Ngunit, ang pagkakaiba nila ay makikita sa laman ng kanilang puso.

Si Vashti ay nagrebelde laban sa hari. Dahil sya’y mapagmataas, matigas ang ulo, at ang gusto nya’y sya lagi ang masusunod, nawala sa kanya ang korona bilang isang reyna ng Persia.

Sa kabilang dako naman, si Esther ay hinde lamang maganda pero ang puso nya ay busilak. Dahil sa kanyang pagmamahal sa Panginoon at lakas ng loob, nagawa nyang iligtas ang buong angkan ng mga Hudyo mula sa kapahamakan at kamatayan.

Ito ang gusto kong tandaan nyo:

Outward beauty is desirable, but inner beauty is mandatory. 

Ibig sabhin, ang panlabas na anyo ay kanais-nais at opsyonal lamang. Pwedeng wala yan, pwede din meron. 

Ngunit ang panloob na kagandahan ay hinde opsyonal. Ito ay isang bagay na kailangang meron tayo. Hinde pwedeng pipiliin mo ang panlabas na kagandahan tapos walang panloob na kagandahan. Para sa ating Panginoon, mas mainam pa na mas busilak ang iyong puso kesa sa maganda ka nga pero wala ka namang pagmamahal at takot sa Diyos. 

Kaya huwag kang malungkot kung wala kang looks. Wag kang malungkot kung hinde perpekto ang iyong panglabas na anyo. Wag kang malungkot kung pango ang iyong ilong, maitim ang iyong balat, manipis na ang iyong buhok. Magsaya ka dahil hinde dyan nakatuon ang pansin ng Panginoon. Sa halip, sya ay nakatingin sa iyong panloob na kagandahan.

Yun lamang po. Ako po si Joshua Infantado ng Biblical Truths na nagpapaalala sa inyo na lagi kayong lumago sa katotohanan ng Diyos.